-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Inanunsyo ni Negros Occidental Governor Eugenio Jose “Bong” Lacson na isasara ang lahat ng pampublikong sementeryo sa lalawigan mula Oktubre 30 hanggang Nobyembre 2.

Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Lacson, kinumpirma nito na pabor ang mga alkalde ng mga lungsod at bayan sa probinsya na suspendihin ang obserbasyon ng Todos Los Santos upang maiwasan ang mass gathering.

Pinag-aaralan pa ng gobernador kung puwede rin itong mapatupad sa mga private cemeteries ang suspension ng mass gathering ngunit kung hindi, umaasa ito na ang mga pribadong sementeryo na ang gagawa ng inisyatibo upang hindi na kumalat pa ang virus.

Ayon kay Lacson, obvious na ang dahilan ng suspensyon kaya umaasa ito na kung hindi mabibilang sa kanyang ipapalabas na executive order ang mga pribadong sementeryo, sila na mismo ang gagawa ng hakbang.

Ayon sa gobernador, sa pamamagitan ng pagpapasara ng mga sementeryo at pagsuspinde ng paggunita sa Araw ng mga Patay, mas bababa ang posibilidad na kumalat ang coronavirus.

Nakatakda namang magpalabas ng executive order si Lacson ukol dito.