Hindi maaring basta-basta lamang magdeklara si Pangulong Rodrigo Duterte nang public health emergency kahit may naitala nang local transmission ng COVID-19 sa bansa, ayon kay Senate Minority Leader Franklin Drilon.
Ayon kay Drilon, maari lamang ideklara ni Pangulong Duterte ang public health emergency kapag maging banta na sa national security ang COVID-19.
Pahayag ito ni Drilon matapos na ianunsyo ni Sen. Bong Go kahapon, Marso 7, 2020, na pumayag na si Pangulong Duterte na ideklara ang public health emergency sa bansa matapos na umakyat sa anim ang bilang nang nagpositibo sa COVID-19.
Ayon kay Drilon, base sa Republic Act 11332, o ang “Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act,” ang kalihim lamang ng Department of Health ang siyang may awtoridad na magdeklara ng epidemic tulad nang sa kaso ng bagong strain ng coronavirus.
“Ngayon, ‘yan na nga epidemic, pero kapag naging national security concern or threatens national security, the President may declare a state of public health emergency,” ani Drilon.
NBauna nang sinabi ni Health Sec. Francisco Duque III na inirekominda na ng Department of Health ang deklarasyon ng public health emergency matapos na itaas ang alert nito sa Code Red Sub-Level 1 matapos makumpirma ang local transmission ng COVID-19.