Magsasagawa ang Los Angeles ng isang public memorial para kay NBA icon Kobe Bryant at sa walong iba pa na namatay sa helicopter crash noong huling linggo ng Enero.
Ayon umano sa mga malalapit sa pamilya Bryant, itinakda ang okasyon sa darating na Pebrero 24 sa Staples Center.
Gayunman, wala pang inilalabas na opisyal na kumpirmasyon ang pamilya ng basketball legend, maging ang dati nitong team na Los Angeles Lakers, ukol sa event.
Sinasabing ang naturang petsa ay may taglay na simbolismo kung saan isinuot noon ni Bryant ang No. 24 na jersey, habang ang No. 2 ay gamit naman ng kanyang anak na si Gianna.
Una nang nagbigay ng emosyonal na pagpugay ang Lakers kay Bryant sa kanilang unang laro matapos ang pagpanaw ng Lakers icon, kung saan nila hinarap ang Portland Trail Blazers.
Maging ang mga fans na nagluksa sa pagkawala ni Bryant ay nag-iwan din ng samu’t saring memorabilia sa labas ng Staples Center, gaya ng bulaklak, basketball, jersey, at iba pa.