Naniniwala ang National Economic and Development Authority na malaki ang maitutulong ng Public-Private Partnership project ng NAIA sa pagresolba sa isyu ng naturang paliparan.
Ginawa ng ahensya ang pahayag matapos nga na ganap na mapirmahan ang concession agreement para sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Public Private Partnership (PPP) Project sa Malacañang kahapon.
Sa isang pahayag, sinabi ni NEDA Secretary Arsenio Balisacan na ang naturang kasunduan ay kabilang sa mga Infrastructure Flagship Projects ng Marcos Administration.
Nakapaloob rin ito sa socioeconomic agenda sa ilalim ng Philippine Development Plan (2023-2028).
Ito aniya ay tutugon sa matagal nang isyu sa naturang paliparan sa pamamagitan ng pagdaragdag sa kapasidad nito.
Dahil dito ay mababawasan na rin ang mahabang oras ng paghihintay at mabawasan ang delay sa flight.
Sinabi pa ni Balisacan na ang presyo ay batay pa rin sa hangarin ng pamahalaan na magkaroon ng maginhawa at maayos na biyahe ang bawat pasahero na gumagamit ng naturang paliparan.