-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO- Binawian ng buhay ang isang guro nang manlaban sa inilunsad na anti-drug operation ng mga otoridad sa probinsya ng Cotabato.

Nakilala ang suspek na si Jake Largo Placibe alyas Jekjek, 23anyos, isang licensed professional teacher at residente ng Zone II Barangay Cabaruyan Libungan North Cotabato.

Ayon kay Midsayap Chief of Police, Lieutenant Colonel John Miridel Calinga na nagsagawa sila nang drug buybust operation katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA-12) sa bahagi ng Purok Orchids Brgy Poblacion 8 Midsayap Cotabato.

Ngunit natunugan ni Placibe na mga pulis at PDEA ang kanyang ka-transaksyon kaya ito ay bumunot ng kanyang baril at nagpaputok.

Napilitan ang mga otoridad na barilin ang suspek kaya itoy tinamaan sa ibat-ibang parte ng kanyang kanyang katawan.

Naisugod pa sa Dr Amado Diaz Provincial Foundation Hospital sa bayan ng Midsayap si Placibe ngunit hindi na ito umabot ng buhay.

Narekober sa posisyon ng suspek ang kanyang baril, shabu at marked money.

Patuloy naman ang panawagan ng pulisya at PDEA sa publiko na tumigil na sa iligal na negosyo dahil seryoso ang pamahalaan sa pagsugpo laban sa ganitong gawain.