-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Patuloy pa ang imbestigasyon ng kapulisan sa mga suspek sa pamamaslang sa public school teacher na si Mel Rose Baloloy, 37, sa Caramoran, Catanduanes.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Patrolwoman Myra Cenon, imbestigador ng Caramoran PNP, may tinututukan nan posibleng suspek ang mga otoridad na pinaniniwalaang hindi pa nakakalabas sa bayan.

Subalit hindi na rin nagbigay ng iba pang impormasyon at detalye.

Malaking tulong naman umano ang P150,000 reward money ng lokal na pamahalaan sa dumaraming concerned citizen na nagbibigay ng impormasyon patungkol sa suspek.

Samantala, nasa proseso pa ang autopsy result ng biktima na malaki rin umano ang maitutulong sa imbestigasyon.

Paalala naman ni Cenon sa komunidad na magdoble-ingat dahil magkakalayo ang mga bahay sa lugar at upang maiwasan ring masangkot sa kaparehong insidente.

Posible namang sampahan ang mga suspek ng kasong robbery with homicide.