KALIBO, Aklan – Balak ni acting Mayor Frolibar Bautista ng Malay, Aklan, ang pagpapatayo ng mga public toilet sa Boracay.
Ito’y kasunod ng nag-viral na video kung saan namataan ang isa umanong Chinese na babae na hinuhugasan sa baybayin ang anak nito na “dumumi,” habang ang isa pa ay nakitang ibinabaon sa buhangin ang diaper.
Kahapon ay muling binuksan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang bahagi ng Station 1 na pansamantalang isinara sa loob ng 48 oras upang mahanap ang kontrobersiyal na diaper.
Maaari na rin daw na paliguan uli ang dagat sa lugar matapos lumabas sa resulta ng coliform bacteria level test sa water samples na nasa safe level ito.
Ayon pa kay Bautista, kung minsan talaga “ang tawag ng kalikasan” ay hindi maiwasan.
Nilinaw nito na may dalawang public toilet malapit sa beachfront sa Station 2 at 3, subalit pinagiba ito sa pagpasok ng Boracay Inter-Agency Task Force.
Samantala, ipinasiguro ng alkalde na magpapakalat pa ng mga beach guards at Malay Auxiliary Police sa beachfront at buong isla upang agad na maaresto ang mga lumalabag sa ipinapatupad na batas.