Naniniwala ang Convenor at Chairman ng Public Transport Coalition na nais lang ng pamahalaan na tanggalin ang Single Proprietor sa mga jeepney operator upang matulungan ang mga malalaking negosyante sa isinusulong na PUV Modernization.
Magsasagawa ng tigil-pasada o transport strike ang mga namamasada sa March 6-12 upang tutulan ang modernization ng mga traditional jeepney.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Ariel Lim, Convenor at Chairman ng Public Transport Coalition na nais nilang ipanawagan sa pamahalaan ang kanilang mariing pagtutol sa pagpapatayo ng Kooperatiba sa isinusulong na modernization ng mga traditional jeepney.
Sinabi niya na hindi handa sa modernisasyon ang PUV dahil ang pagbuo ng kooperatiba ay kailangang pangasiwaan ng mga magagaling na Manager at Chairman upang hindi malugi.
Ipinaliwanag niya na hindi lang iisang araw ang pagbuo ng kooperatiba at isasailalim agad sa Cooperative Development Authority (CDA) at patatakbuhin na ang itinuturing na business.
Nilinaw pa ni Lim na hiningan niya ang CDA ng mga kooperatiba ng transportasyon na umangat o naging matagumpay ngunit kanilang inihayag na bumagsak ang mga ito.
Malaking katanungan sa kanila kung babagsak din ang bubuuin nilang kooperatiba at wala ng silbi ang isinusulong na modernisasyon.
Hinala anya nila ay nais lamang ng pamahalaan na tanggalin ang Single Proprietor sa mga jeepney operator at nais nilang palitan ng mga mayayamang negosyante ang mamamahala rito.
Mayroon ding batas na nagsasaad na maaring pautangin ang isang single proprietor ng hanggang P2.99 million na hindi ginagawa ng pamahalaan.
Maari rin naman aniyang ayusin ang mga jeepney sa pamamagitan ng pagbili ng mga maipapalit na makina at transmission tulad ng Euro 5 o Euro 6 at ang mga gagawa ay mga jeepney assembler sa Pilipinas.
Samantala, maging ang National Historical Commission ay tinututulan ang pag-iiba ng anyo ng jeepney dahil isinusulong ito ng Pilipinas sa ibang bansa para panghatak ng mga turista.