NAGA CITY – Magpapatuloy umano ang public viewing sa bansang Canada kahit sa homecourt na ng Warrios gagawin ang Game 3 ng NBA Finals sa pagitan ng Toronto Raptors at Golden State Warriors.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Von Canton, tubong Naga City at naninirahan na ngayon sa Canada, sinabi nito na tulad ng pagsisimula ng laro, mag-aabang pa rin aniya ang mga Canadians sa mga pampublikong lugar.
Hindi umano mapuputol ang excitement ng mga Canadian kahit dahil pa sa California ang Game 3.
Tulad aniya sa Pilipinas kapag may laro si Sen. Manny Pacquiao, kanya-kanya pa ring pakulo ang aasahan sa Canada sa darating na Huwebes lalo na sa mga lungsod.
Samantala, sa kabila umano ng homecourt advantage ng Golden State sa susunod na laro, umaasa ang mga taga-Canada na makakapuntos ang Raptors bago maibalik mula sa Canada ang laro.
Magugunitang naitabla ng Warriors ang serye matapos na manalo sa laro sa mismong lugar ng Toronto sa score na 109-104.