LA UNION – Naging maayos ang paghahatid ng labi ni Judge Mario Anacleto Bañez sa auditorium sa Tagudin, Ilocos Sur.
Bandang alas 2:15 kaninang hapon nang dumating ang bangkay sa bayan ng Tagudin kasama ang pamilya nito, sa tulong ng iba’t ibang unit ng kapulisan.
Hindi rin naging hadlang ang malakas na pag-ulan sa mga katrabaho, kaibigan, mga empleyado at opisyal ng lokal na pamahalaan kabilang ang mga estudyante, sa pagsalubong ng labi ng hukom, sa auditorium.
Napuno ng lungkot ang mga tao sa naging kapalaran ng hukom na kanilang inilarawan bilang simple at mabait na tao.
Ang public viewing sa labi ni Judge Bañez sa Tagudin auditorium ay hanggang bukas lamang.
Bandang alas 8:00 ng umaga bukas ay ibabalik din ang labi dito sa syudad ng San Fernando at ilalagak mismo sa kanilang bahay sa Barangay Dallangayan Oeste.
Samantala, siniguro ni PBGen. Joel Orduña ng PRO-1, ang mabilis na imbestigasyon sa kaso ni Bañez.
Ani Orduña, nalulungkot sila at mariin nilang kinokondina ang pangyayari.