Itotodo umano ng mga sports leaders ng Pilipinas ang promosyon sa 30th Southeast Asian (SEA) Games pagkatapos ng 2019 midterm elections sa Mayo.
Ilang mga sektor kasi ang nangangamba dahil sa kawalan ng ingay sa pagpapabatid sa pag-host ng bansa sa nasabing 11-nation sports meet.
Ayon kay Philippine Sea Games Organizing Committee (Phisgoc) chairman Alan Peter Cayetano, ito raw ang napagkasunduan ng board kasama ang Philippine Sports Commission (PSC) at Philippine Olympic Committee (POC).
Paliwanag ni Cayetano, hindi raw makikinabang ang mga atleta, maging ang mga sports officials dahil nakatuon ang atensyon ng publiko sa darating na halalan.
Tiniyak naman ng dating senador na nakalatag na raw ang marketing plan para sa publicity ng multi-sports meet na idaraos sa bansa mula Nobyembre 30 hanggang Disyembre 11.