Naka Heightened alert na ang mga tauhan ng pulisya sa Central Visayas simula pa noong Martes, Oktubre 29 at tatagal hanggang sa madaling araw ng Nobyembre 4, ayon sa Police Regional Office-7.
Inihayag ni Regional Public Information Office chief Plt. Col. Maria Aurora Rayos na simula din noong Lunes ay mayroon nang mga itinatag na police assistance desk sa mga daungan, paliparan, terminals at maging sa mga sementeryo.
Sinabi pa ni Rayos na halos 7,000 tauhan ng pulisya sa buong rehiyon ang nakadeploy.
Puspusan pa aniya ang ginawang pagbabantay ng kapulisan sa publiko kung saan may mga nakadeploy din na mga pulis sa mga tourist destinations at sa mga mall dito.
Paalala pa nito sa lahat na suriing mabuti bago umalis ng bahay o siguraduhing may nagbabantay at iwasang magbahagi sa social media sa kinaroroonan na posibleng maging oportunidad ng mga masasamang indibidwal.
Samantala, binalaan naman ang publiko laban sa mga scalper at iba pang scammers na nagsasamantala sa panahon ng long weekend
Kasunod na rin ito ng feedback na natanggap ng Cebu Port Authority hinggil sa mga scammers na nagsasamantala sa pagdagsa ng mga pasahero tuwing panahon ng Undas.
Iniulat pa na ang mga scalper ay bumibili ng boat ticket nang maramihan at ibinebenta ang mga ito sa mas mataas na presyo sa mga manlalakbay na nakatakdang umuwi sa kani-kanilang probinsya.
Payo sa mga mabibiktima ng mga scalper na ito na agad na iulat ang mga naturang insidente sa mga kinauukulan.