Pinag-iingat ngayon ng Bankers Association of the Philippines (BAP) ang mga Pilipino sa paggamit ng online banking para sa kanilang mga transaksiyon nitong panahon ng pandemya dulot ng COVID-19.
Ayon kay Bankers Association of the Philippines (BAP) president Jose Veloso, hindi rin nagpapahuli ang mga kawatan sa pag-isip ng paraan kung paano makapagpanakaw ng pera sa bank account ng isang tao.
Kadalasang kinukuha umano ng mga kawatan ay ang personal na impormasyon ng biktima kagaya ng pangalan, birthday at password.
Gumagawa rin sila ng paraan para makontak ang mga biktima tulad ng personal na tawag, pag e-mail at pagpapadala ng mensahe sa text.
Dahil dito, nagpaalala si Veloso na mas mabuting tawagan muna ang bangko at magtanong kung may ginagawa silang pag-uungkat ng personal information.
Pinayuhan din niya ang lahat ng mga gumagamit ng online banking na gawing mas secure ang password at huwag na huwag magbibigay ng impormasyon tungkol sa inyong bank account.