Hati ang reaksyon ng mga mamamayan sa paglalabas ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ng mga bagong salapi, kung saan mga hayop na endemic sa Pilipinas ang itinatampok.
Taliwas ito sa mga dating klase ng pera na nakalagay ang mga mukha ng mga bayani o popular na tao sa lipunan.
Nagtanong ang Bombo Radyo sa pamamagitan ng Official Facebook Page at narito ang ilan sa mga opinyon nila:
Ayon kay Bayani Abarientos, pabor siya sa bagong anyo ng salapi.
Dahil panahon na raw para kilalanin at igalang ang inang kalikasan na ating pinagmulan at paroroonan.
Para naman kay Ylil Nermal Carreon, pabor daw siya para hindi madaling mapeke ang mga pera.
Mas maganda raw na mga hayop ang nakalagay, sa halip na mga bayani dahil may mga napapabilang din na hindi naman kinikilalang bayani ng iba.
Sa simpleng sagot naman ni John Michael Estrella Tan, sinabi nitong maganda naman ang bagong mga bank notes.
Pero para kay Edgar Furatero, ang pagpapalit ng klase ng pera ay gastos na naman.
Sana raw noong ginawa ang nakaraang version ay ibinuhos na ang galing para hindi na paulit-ulit at hindi na rin dagdag na gastusin ng mga mamamayan.
“Bawat change ng bills may kaukulang gasto. Bakit ba di binuhos lahat ng galing noong gumawa noong last version para walang ng paggastosan pa. Madami pang dapat gawin n mas makabuluhan kesa palit nang palit ng bills,” wika ni Furatero.
Para naman kay Lauf Teddy, sana ay ginawa lang ito sa maliliit na bills.
Sa panig naman ni Mathew Del Valle, hindi siya pabor dahil lalo raw makakalimutan ang mga bayaning nagbuwis ng buhay.
Maaari naman aniyang pagandahin ang pera nang hindi inaalis ang mga mukha ng mga bayani.
Hiling din nito na maibalik ang mga perang papel na P5, P10 at P20.
Hanggang ngayon daw kasi ay marami pang nagkakamali sa coins na P1, P5 at P10.
Una nang pinuna ng historian na si Prof. Xiao Chua ang hindi pagkakasama ng mga bayani sa mga bagong polymer bank notes, dahil tila isa raw itong paglimot.
“A people devoid of heroes. What a country,” wika ni Chua.