Hinihikayat pa rin ng mga eksperto sa kalusugan ang publiko na magsuot ng face mask sa kabila pa ng pagtanggal na ng COVID-19 public health emergency sa bansa.
Ayon sa mga eksperto, mayroon mang polisiya o wala hinihikayat pa rin lalo na ang mga senior citizen, may commorbidities at immunocompromised na gumamit ng facemask.
Habang sa mga establishimento inaabisuhan ang mga ito na magkaroon ng kanilang sariling health at safety protocols.
Paliwanag ni infectious disease expert Dr. Rontgene Solante na ang pagtanggal ng public health emergency ay hindi nangangahulugan na wala ng covid19. Ito aniya ay nakabase na sa ating desisyon bilang indibidwal para iassess kung tayo ay at risk at kailangang protektahan ang ating sarili sa pamamagitan ng pagsusuot ng facemask.
Sinabi naman ng Private Hospitals Association of the Philippines Inc. na maaaring magdesisyon ang mga pribadong ospital kung sila ay kailangan pa ring magsuot ng face mask sa kanilang mga pasilidad at mananatili pa rin ang alokasyong mga kama para sa COVID-19 patients sa kanilang ospital.