-- Advertisements --

Hinimok ngayon ang publiko na huwag gawing sugal o pustahan ang pagtatalaga ng susunod na papa kasunod ng pagpanaw ni Pope Francis.

Ito ang naging kasagutan ni Fr. James Ucab, Star Fm international correspondent at isang student-priest sa Italy, sa mga lumalabas na ulat na may mga plataporma ng sugal ang nagbukas hinggil dito.

Sa eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu kay Fr. Ucab, sinabi nitong isang sagradong kaganapan at sandali ngayon ng simbahan kaya dapat hindi pa ito gawing bagay para sa sugal.

Sa halip, hinikayat pa nito ang lahat na ipagdasal ang simbahan na nagdadalamhati sa pagpanaw ni Pope Francis at magtrabaho nang buong kababaang-loob at manalangin para sa darating na halalan sa bansa dahil mahalaga din aniya ito.

Idinagdag pa nito na ang paraan ng pagpili ng lider ng simbahan ay hindi katulad ng pagpili ng pinuno sa iba’t ibang bansa sa mundo kaya “wait and see” nalang umano.

Samantala, umaasa naman ito na ipagpapatuloy ng susunod na papa ang nasimulang pagbabago ni Pope Francis na simbahang natatakot at nakikinig sa mga miyembro nito.

Inilarawan pa niya ito bilang “Pope of mercy” na yumakap sa mga mahihirap, nakikinig sa mga hinanaing ng mga tao,at matapang na nakipaglaban sa hindi magandang nangyayari sa mundo at maging sa simbahan.