Hinimok ng isang propesor ang publiko na simulan ng ikunsiderang iboto ang mga kumakandidato ngayong eleksyon na hindi mula sa isang angkan ng political dynasty.
Sa isang eksklusibong panayam ng Bombo Radyo kay Professor Maria Cielo Magno, dating undersecretary ng department of Finance, iminungkahi niya na dapat masusing pag-aralan ng mga Pilipinong botante ang kanilang pipiliing mga susunod na lider ng bansa.
Kung saan nais din niyang hikayatin ang publiko na magsagawa ito ng kanilang mga inisyatibo na tanungin at alamin ang opinyon ng mga kandidato hinggil sa usapin ng political dynasty.
Aniya, mayroon raw naman kasing mga tumatakbo ngayong eleksyon na hindi mula sa isang pamilya ng mga pulitiko na maaring ikunsiderang piliin ng mga botante.
‘Tanungin natin ang mga politicians itong mga tumatakbo bilang mga senador, congressman, kung ano ba ang posisyon nila sa usapin ng political dynasty. Sa ibang lugar po may mga options naman tayo, may mga tumatakbo at nagcha-challenge sa mga political dynasty n’yan,’ ani Professor Maria Cielo Magno, Associate Professor ng UP School of Economics at former Finance Undersecretary.
‘So, maganda na ang ating mga kababayan ay simulang na ring ikunsidera ang pagboto ng mga tumatakbo sa posisyon na hindi nanggagaling sa political dynasty,’ dagdag pa ni Prof. Maria Cielo Magno.
Dagdag pa niya, ang pagkakaroon ng political dynasty ay may malaking epekto umano pagdating sa usaping pampolitikal at maging sa kalagayan o sitwasyon ng bansa.
Aniya nawawalan ng puwang ang ilang mga baguhang kandidato sapagkat paliwanag ng naturang propesor na ito’y dahil sa magkakamag-anak na lamang ang natakbo.
Dahil dito, iginiit ni Professor Maria Cielo Magno ang kanyang paniniwala na bunsod ng talamak na political dynasty ay makikitaan ng hindi gaanong pag-unlad ng bansa.
Kung saan sinabi din nito na ang mga kandidato o pulitikong mula sa mga angkan na namamayagpag sa kanilang pag-kakaupo ay malaking political network umano ang nabubuo.
Mariin din niyang inihayag na ang sitwasyon ng political dynasty sa bansa ay napakalala na dahil aniya’y makikita ito sa iba’t ibang sangay ng gobyerno.