Nag-abiso ang Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) sa publiko na huwag pansinin at huwag papabiktima sa mga tawag na nagbabanta sa suspensiyon ng SIM card.
Sinasabi umano ng mga fraudster na masususpendi ang SIM dahil sa illegal na mga aktibidad gaya ng illegal recruitment para sa trabaho sa ibang bansa, online casinos at human trafficking.
Malala pa aniya dito ay nagpapanggap ang mga scammer bilang empleyado ng Department of Information and Communications Techonology (DICT).
Ayon kay CICC executive director Alexander Ramos, nakatanggap ang kaniyang opisina ng mga reklamo sa caller na nagpapakilalang empleyado ng DICT na nagngangalang Nikki Garcia.
Ipapaalam umano ng scam caller sa biktima na ang kaniyang SIM card ay sususpendihin dahil sa ilang mga paglabag. Bunsod nito, umapela ang opisyal sa publiko na huwag ng pansinin ang ganitong mga scam call mula sa mga kahina-hinala o hindi kilalang callers.
Hinihimok naman ang publiko na i-report ang mga insidente ng cybercrime sa Inter-Agency Response Center hotline na 1326 para maiwasan ang cybercrime.