CENTRAL MINDANAO – Nanawagan ngayon ang city government ng Kidapawan sa lahat na mag-ingat kontra rabies mula sa kagat ng aso habang naka-quarantine ang lungsod kontra COVID-19.
Ito ay matapos makapagtala ng 253 kaso ng kagat ng aso ang City Health Office sa buwan lamang ng Abril ng taong kasalukuyan kasabay sa pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine.
Ayon sa pamunuan ng Anti-Rabies Prevention Program ng City Health Office (CHO) sa buwan ng Abril 2020, nasa 230 sa mga kaso ng kagat ng aso ay nangyari sa mismong tahanan, anim sa daan at 17 naman sa mga pampublikong lugar.
Karamihan sa mga nakakagat ay mga bata na dahil pinagbabawalang lumabas sa panahon ng quarantine ay kalimitang nakakagat habang nilalaro o ‘di kaya ay pinanggigigilan ang mga alagang aso.
Payo ng mga doktor na agad hugasan ang sugat ng kagat ng aso bilang paunang lunas saka ipasuri sa CHO upang maturukan ng anti rabies.
Sa mga nakagat ng aso sa mga malalayong barangay na hirap makapunta sa sentro ng lungsod upang magpaturok ng anti rabies, payo ng CHO na agad makipag-ugnayan sa kani-kanilang mga Barangay Health Centers upang mabigyan ng referral para makapagpagamot sa kanilang opisina.
Dapat na makumpleto ang apat na injection kontra rabies para maiwasan ang komplikasyon.
Walang gamot ang rabies at nakamamatay ito kapag umakyat na ang virus sa utak ng pasyente kapag hindi sumailalim sa pagpapagamot matapos makagat ng aso, paliwanag pa ng CHO.
Limang taon ng walang naitalang rabies related death ang Kidapawan City, ayon na rin sa DOH National Anti-Rabies Prevention and Control Program kung saan ay ginawaran nito ang City Government sa epektibong pagpapatupad ng programa sa World Rabies Awareness Day noong Setyembre 30, 2019.