-- Advertisements --

Muling nagbabala ngayon sa publiko ang toxics watchdog na EcoWaste Coalition hinggil pagbili ng mga “toxic cosmetics” o mga beauty products na mayroong mga nakalalasong kemikal.

Ito ay matapos ang kanilang naging pag-iikot sa ilang bahagi ng Quezon City kung saan napag-alaman ng naturang grupo na may ilang mga tindahan ang nagbebenta ng mga cosmetic products na nagtataglay ng mercury na talagang nakasasama para sa mga tao.

Sa naturang paglilibot ng nasabing watchdog ay bumili rin ito ng mga sample g nasabing mga produkto atsaka isinailalim sa screening kung saan napag-alaman na mataas na konsentrasyon ng mercury sa mga nasuri na cream gamit ang isang handheld Olympus Vanta M-Series X-Ray Fluorescence (XRF) analyzer.

Ang naturang mga cosmetic products ay kinabibilangan ng mga imported skin whitening creams na dati nang ipinagbawal sa naturang lungsod sa ilalim ng Ordinance No. 2767.

Sabi ni EcoWaste coalition national coordinator Aileen Lucero, batay sa kanilang nakalap na impormasyon at pag-iikot, nasa sampung mga tindahan pa sa QC ang nagbebenta ng naturang mercury-contaminated facial and underarm whitening cream na nagmula sa Pakistan at Thailand.

Dahil dito ay naghain ngayon ng complaint ang EcoWaste Coalition sa tanggapan ni Office of FDA Director General Samuel Zacate ng complaint sa pamamagitan ng Business Permit and Licensing Department QC Government para naman sa information at proper disposition ukol dito.