-- Advertisements --
DOH office

Nagbabala ang Department of Health (DOH) sa publiko laban sa mga sakit na dala ng tubig at pagkain, influenza, leptospirosis, at dengue (W.I.L.D.) sa gitna ng mga weather disturbances na tumama kamakailan sa bansa.

Ayon kay DOH-Calabarzon Regional Director Ariel Valencia asahan ang pagdami ng kaso ng mga sakit na ‘WILD’ na kadalasang tumataas dahil sa basa o mamasa-masa na paligid dulot ng pag-ulan.

Sa karamihan ng mga kaso, ang mga bagyo at malakas na pag-ulan ay maaaring magdulot ng pagbaha, at kasama nito ang posibleng pagtaas ng mga kaso ng mga nakakahawang sakit.

Kabilang dito ang mga sakit na dala ng tubig tulad ng kolera, leptospirosis, at hepatitis A; at mga sakit na dala ng vector tulad ng malaria at dengue.

Hinimok din ni Valencia ang publiko na isagawa ang 4-S strategy para maiwasan ang dengue.

Patuloy naman nito na pinapaalalahanan ang mga tao na magsagawa ng paghuhugas ng kamay, pagsusuot at tamang pagtatapon ng mga ginamit na face mask, at physical distancing.