Nagbigay babala ang Bureau of Immigration sa publiko hinggil sa talamak na naitatalang insidente at kaso ng ‘catphishing scams’ online.
Kung saan pinag-iingat ngayon ng kawani ang mga gumagamit ng iba’t ibang social media platforms na maging mapanuri sa kanilang mga nakikita, nababasa, at napapanood.
Mayroon raw kasing nagkalat na ganitong uri ng scam na nang-aakit ng bibiktimahin gamit ang kanilang pag-aalok ng pekeng trabaho abroad.
Ayon kay BI Commissioner Joel Viado, umabot sa 125 ang naitalang biktima noong nakaraang taon habang nito lamang Marso ay may nadagdag na panibagong apat.
Dagdag pa rito, ang modus ng pambibiktima ng mga sindikato ay unang magpapakita ng magagandang advertisement na trabahong may malaking sahod umano.
Ngunit pagkatapos ma-recruit ang kanilang target, ito’y kanilang sapilitang pagtatrabahuhin na gumawa ng mga fake accounts online para manloko naman sa love scams.
Karamihan sa mga naging biktima sa panlolokong ito ay mga college graduates mula sa National Capital Region at kalapit lugar na ayon sa BI.
Ibinahagi rin ng naturang kawani na kadalasang idinadala ang mga nakuhang trabahador sa mga bansang Malaysia, Cambodia, Laos, at Myanmar.
Gayunpaman, iginiit naman ni BI Commissioner Viado na kanilang ginagawa ang lahat upang labanan ang mga criminal networks para maprotektahan ang mga inosenteng Pilipino mula sa exploitation.
“The Philippine government has been resolute in its anti-human trafficking efforts for nine years, and we are more determined than ever to bring traffickers to justice,” ani Commissioner Joel Viado ng Bureau of Immigration.