DAGUPAN CITY – Pinag-iingat ng Provincial Health Office (PHO) ng Pangasinan ang publiko sa posibleng paglaganap ng iba’t ibang uri ng sakit ngayong tag-init.
Kahapon, Abril 9 , pumalo sa 51.7 degrees Celsius (°C) ang naitalang heat index sa Dagupan City.
Nalagpasan nito ang pinakamataas na heat index record na 48.2 degrees Celsius noong Abril 4.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Dra. Cielo Almoite, tagapagsalita ng PHO-Pangasinan, sinabi nito na patuloy ang kanilang pagpapaalala sa lahat lalo na sa mga nagtatrabaho na bilad sa sikat ng araw, na manatiling “hydrated.”
Babala ng opisyal, delikado tuwing mainit na panahon ang ma-dehydrate dahil puwedeng mauwi ito sa heatstroke na nakamamatay kapag hindi naagapan.
Samantala, nilinaw ni Almoite na wala pang naitatalang casualty ang kanilang tanggapan sa gitna ng labis na init na naranasan sa probinsya.