Hinimok ni Senadora Loren Legarda ang publiko na huwag balewalain ang banta ng mpox.
Nonong Miyerkules, naitala ng bansa ang unang kaso ng mpox para sa taong 2024. Isang 33-anyos na lalaking pasyente at walang travel history ang bumisita sa dalawang establisemento sa E. Rodriguez, Quezon City, ayon kay Mayor Joy Belmonte.
Isang dermatology clinic kung saan siya nagpa-check up at isang massage spa para magpamasahe.
Ayon kay Legarda, bagama’t banayad ang dala nitong panganib kung ikukumpara sa COVID-19, hindi dapat ito ipagsawalang-bahala.
Aniya, kinakailangan na maging mapagmatyag upang maiwasan ang isa na namang lockdown kung saan naranasan ng buong bansa dahil sa COVID-19.
Ayon pa sa senadora, marami na aniya tayong natutuhan mula sa pandemya at magsilbi itong paalala para umiwas sa highly communicable diseases sa pamamagitan ng pagsusuot ng face mask, social distancing, at paghuhugas ng kamay.
Sa huli, pinayuhan nito ang publiko na sumunod sa mga alituntunin ng otoridad.
Ang kaalaman at paghahanda aniya ang siyang unang magiging sandata sa sakit.