-- Advertisements --
AYALA MAKATI CBD

Tiniyak din ng Bankers Association of the Philippines (BAP) na walang dapat ikabahala ang publiko sa mga bangko dahil matibay umano ang financial system sa bansa.

Ginawa ng mga grupo ng mga bangko ang pahayag kasunod nang nabulgar na pamemeke ng ilang junior officer kung saan nakaladkad ang BDO Unibank at Bank of the Philippine Islands.

Una nang nadamay ang naturang dalawang bangko sa tinaguriang pinakamalaking accounting scandal sa Germany na kinasangkutan ng Wirecard.

Maging ang Bangko Sentral ng Pilipinas ay nagsabi na rin na hindi pumasok sa Pilipinas ang sinasabing nawawalang $2.1 billion at ginawang cover-up lamang ang naturang mga bangko.

bap statement 1

Ayon sa BAP meron mang mga personalidad na magtatangkang mag-falsify ng mga dukumento pero hindi sila basta-basta makakalusot bunsod nang nakalatag na mabusising beripikasyon o tinatawag na due diligence ng mga bangko.

Binigyang diin pa ng Bankers Association na walang dapat ipag-alala ang publiko dahil sa mahigpit ang mga patakaran na kanilang ipinapatupad sa mga bank certifications.

“The BAP assures the public that the country’s financial system is sound and that very strict rules regarding the issuance of bank certifications are in place,” bahagi pa ng statement ng BAP. “Some individuals may try to forge or falsify these documents, but their authenticity can be readily ascertained through careful scrutiny or verification by the appropriate institutions.”