-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Hinikayat ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas ang publiko na magpatupad ng tinawag na ‘eternal vigilance’ kahit lalo pang humina ang kilusang Communist Party of the Philippines- New People’s Army dahil sa pagka-neutralized kay Myrna Sularte alyas Maria Malaya na kalihim ng Northeastern Mindanao Regional Committee na nakabase sa Caraga region.

Ito ang mensahe ni Lt Gen Luis Rex Bergante,commander ng Eastern Mindanao Command ng Armed Forces of the Philippines dahil hindi pa tuluyang nabura sa mapa ang armadong grupo kahit marami sa top officials ng CPP-NPA ang nasawi.

Tinukoy ng heneral ang mga paggalaw ng tinawag na ‘white area’ ng armadong grupo na panay ang target ng mga mag-aaral mula sa mga unibersidad at state colleges upang makabuo ulit ng ‘cadre’ o pangkat nasa likod ng pagpapalaganap ng ideolohiya ng kilusan laban sa gobierno.

Sinabi ni Bergante na dapat huwag hayaan ng mga magulang na maging bahagi ng CPP-NPA cadre ang kanilang mga anak kahit nasa loob ng mga paaralan upang tuluyang bumagsak ang grupong nasa likod ng higit limang dekada ng internal security problem ng bansa.

Magugunitang itinuring ng buong hanay ng AFP na malaking kawalan ng CPP-NPA ang pagkasawi dahil sa engkuwentro kay Malaya sa Butuan City dahil taong 1972 pa ito nagsimulang aktibong nakikipaglaban sa pamahalaan.