Labis ang saya na nararamdaman ngayon ng mga mamamayan sa Puerto Rico matapos ianunsyo ni Puerto Rico Governor Ricardo Rosello na magbibitiw na ito sa kaniyang pwesto.
Ang desisyong ito ni Rosello ay kasunod ng naglabasang offensive chat messages nito na nagbunsod ng malawakang kilos protesta sa tinaguriang “bankrupt island.”
Matapos ang 12 araw ay napagdesisyunan ng gobernador na tuluyan nang bumaba sa kaniyang pwesto sa August 2 dahil na rin sa bigo nitong hakbang upang pahupain ang krisis na nararanasan ng kaniyang nasasakupan.
Nangako rin ito na hindi na siya muling tatakbo sa susunod na eleksyon.
“I feel that to continue in this position would make it difficult for the success that I have achieved to endure,” ani Rosello.
Napuno ng mga nagbubunying ralyista ang kalsada ng San Juan, Puerto Rico.
Sa labas ng mansyon ng kanilang gobernador ay nagtipon-tipon naman ang libo-libong tao na nagsasaya rin dahil sa magandang balita.