LAOAG CITY – Agad na ipinasok sa bartolina ng Ilocos Norte Prov’l Jail (INPJ) ang pumugang bilanggo matapos mahuli sa Sitio Tubeg, Brgy. Pita, Infanta, Pangasinan.
Nakilala ito na si Medy Laudencia, taga-Barangay Suyo, Dingras, sa lalawigan ng Ilocos Norte.
Nahuli ito sa pamamagitan ng pinagsanib na puwersa ng Infanta PNP, Alaminos Municipal Police Station, Provincial Mobile Force Company, Mabini Police Station, prison guard ng INPJ at Ilocos Norte CIDG.
Ayon kay Jail Warden Benilda Sadian, bukod sa nakabartolina si Laudencia ay ipinagbabawal din na dalawin siya ng kanyang pamilya.
Nabatid na mananatili ito sa bartolina hanggang sa Oktubre 14 ngayong taon kasabay ng pagdinig sa kanyang kasong rape.
Una nang nakatakas si Laudencia noong Agosto 31, 2019 matapos gibain ang maliit na butas ng pader sa likuran ng INPJ na nagsisilbing perimiter fence hanggang lumawak at dito na lumabas habang malakas ang ulan dulot ng habagat.
Dagdag pa ni Sadian, ibibigay sa team leader sa nakahuli kay Laudencia ang reward money na P20,000 inambag ng mga jail guards para mahuli ang naturang suspek.