-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Nanlaban at napatay ang isang puganteng tulak droga sa anti-illegal drugs operation ng mga otoridad sa probinsya ng Cotabato.

Nakilala ang suspek na si Jay-Ar Lovino, 39, may-asawa at residente ng Purok 3, Barangay Malamote, Kabacan, Cotabato.

Ayon kay Cotabato Police Provincial director Colonel Henry Villar na naglunsad ng drug buy bust operation ang mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA-12) katuwang ang Kabacan PNP malapit sa tahanan ng suspek.

Natunugan ni Lovino na mga otoridad ang kanyang katransaksyon kaya ito ay bumunot ng baril at nagpaputok.

Napilitan ang mga PDEA-Agent at mga pulis na barilin ang suspek kaya ito ay napatay.

Narekober sa posisyon ng suspek ang isang kalibre .45 na pistola, mga bala, magazine at 10 pakete ng shabu na nagkakahalaga ng P54,000.

Kinumpirma rin ni Col Villar na si Lovino ay takas sa Cotabato Provincial Jail noong Enero 4, 2017.

Sa ngayon ay pinaigting pa ng PDEA-12 at Cotabato PNP ang kampanya laban sa pinagbabawal na droga.