-- Advertisements --

Inaresto ng mga tauhan ng Bureau of Immigration sa Cavite ang isang puganteng Amerikano na pinaghahanap sa kanilang bansa dahil sa kasong abduction at panggagahasa sa isang bata.

Sa statement, tinukoy ni Commissioner Joel Anthony M. Viado ang “fugitive” bilang si Young Tom Talmadge na inaresto ng Fugitive Search Unit (BI-FSU) ng ahensya.

Ang pag-aresto kay Talmadge ay iniutos ni Viado matapos makatanggap ng impormasyon mula sa US Homeland Security Investigations (US-HSI).

Ayon kay Viado, patuloy ang kanilang pakikipagtulungan sa international counterpart upang protektahan ang mga batang Pilipino at itaguyod ang hustisya.

Paliwanag pa ng ahensya, si Talmadge ang pangunahing subject ng warrant of arrest na inisyu noong Marso 20, 2025 ng 13th Judicial Circuit Court ng Hillsborough County, Florida.

Sinasabing ang biktima ng suspect ay isang 12 anyos na babae.

Samantala , nakakulong ngayon si Talmadge sa BI detention facility sa Taguig City habang hinihintay ang deportasyon.