-- Advertisements --

Inanunsyo ng Bureau of Immigration (BI) ang pag-aresto sa isa pang puganteng Japanese scammer na matagal nang hinahanap ng mga otoridad sa Tokyo dahil sa kinasasangkutan nitong telecommunication fraud.

Ayon kay Immigration Commissioner Joel Anthony Viado, si Eiji Shigematsu, 48, ay inaresto noong Pebrero 7 sa kahabaan ng Ayala Avenue, Bel Air Village, Makati City ng mga operatiba mula sa fugitive search unit (FSU) ng BI.

Paliwanag pa ni Viado, si Shigematsu ay inaresto batay sa isang mission order na kanyang inilabas matapos matanggap ang impormasyon mula sa gobyerno ng Japan na nag-ulat ng presensya nito sa Pilipinas.

“We will deport him and he will be blacklisted and banned from reentering the country,” pagtitiyak ni Viado.

Ayon naman kay BI-FSU Chief Rendel Ryan Sy, nagisyu ang Kajiki summary court sa Japan ng isang arrest warrant para kay Shigematsu noong Hulyo ng nakaraang taon matapos siyang kasuhan ng ‘theft in violation of the Japanese penal code’.

Samantala, si Shigematsu at ang kanyang mga kasamahan naman ay inakusahan ng pagpapatakbo ng voice phishing operations na nakapanloko sa marami nilang kababayan.

Ang mga suspek ay nagpapanggap umano bilang mga pulis upang makapanloko at makakuha ng pera mula sa mga biktima.

Habang hindi bahagi ng ‘Luffy’ gang, naniniwala ang mga awtoridad na si Shigematsu at ang kanyang mga kasamahan ay nagpapatakbo ng isang katulad na scheme ngunit sa mas maliit na saklaw.

Ang suspek ay dinala at nananatili sa BI warden facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City habang hinihintay ang proseso ng deportasyon nito.