-- Advertisements --

Inihayag ni Interior Secretary Jonvic Remulla na mahahanap na sa lalong madaling panahon ng mga awtoridad ang pugante at dating hepe ng Bureau of Corrections na si Gerald Bantag.

Ito ang naging tugon ng kalihim sa mga kawani ng media nang hingan ng update kay Bantag na nahaharap sa kasong murder dahil siya umano ang utak ng pagpaslang sa radio broadcaster na si Percival Mabasa o mas kilala bilang Percy Lapid.

Aniya, alam nila kung nasaan si Bantag at mahahanap na aniya siya sa lalong madaling panahon.

Matatandaan na nauna ng sinabi noon ng Department of Justice na mayroon silang impormasyon sa lokasyon ni Bantag subalit inaming hindi magiging madali ang pag-aresto sa kaniya.

Matatandaan, nasawi si Lapid noong Oktubre 3, 2022, matapos tambangan at pagbabarilin habang pauwi sa kanyang tahanan sa Las Piñas.