Arestado sa Paranaque City ang isang South Korean national na itinuturing isang pugante na wanted sa kanilang bansa dahil sa umano’y pagkakasangkot sa telecommunications fraud, ayon sa Bureau of Immigration (BI).
Kinilala ni BI Commissioner Joel Anthony M. Viado ang inaresto nilang SoKor bilang si Park Seungeon, 24.

Inaresto si Park ng mga operatiba ng Fugitive Search Unit (BI-FSU) ng BI sa Bradco Avenue, Paranaque noong Pebrero 27, sa ikinasang operations ni Viado.
Ayon sa BI, si Park ay isang overstaying alien at nagtatago sa bansa ng mahigit dalawang taon upang iwasan ang pagka-aresto para sa kanyang mga krimen.
Dagdag pa ng ahensya na dumating si Park sa Pilipinas bilang isang turista noong Agosto 19, 2022 at hindi na siya umalis mula pa noon.
Kung saan ipinag-utos ng Interpol ang isang Red Notice laban kay Park mahigit isang taon na ang nakararaan matapos mag-isyu ng warrant of arrest ang Incheon District Court sa Seoul laban sa kanya.
Siya ay inakusahan ng pandaraya at pinaniniwalaang miyembro ng isang telecom fraud syndicate.
Ayon sa mga awtoridad, inalok ni Park ang isang biktima ng mababang-interes na debt consolidation loan, kung saan nakuha niya ang nasa mahigit 20.1 million won o humigit-kumulang $14,000.
Matapos ang kanyang pagkaka-aresto, si Park ay inilipat sa BI Warden Facility sa Taguig City, kung saan siya ay mananatili habang hinihintay ang proseso ng kanyang deportation.