-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Negatibo sa COVID-19 ang isang babaeng non-uniformed personnel (NUP) ng Benguet Police Provincial Office (PPO) na una ng sumailalim sa 14-day self-quarantine.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay PMaj. Carolina Lacuata, tagapagsalita ng Police Regional Office Cordillera, sinabi niyang nagmula ng Japan ang nasabing NUP.

Aniya, nakaramdam ng pagsakit sa ulo ang NUP kaya nagpa-check up ito sa Regional Health Service at sumailalim sa COVID-19 testing.

Natanggap nila ang resulta kahapon na nagsasaad na negatibo ang NUP sa coronavirus.

Samantala, sinabi niyang hindi totoo ang balitang nag-lockdown ang Camp Bado Dangwa na regional headquarters ng kapulisan ng Cordillera dahil sa banta ng COVID-19.

Ani Lacuata, bukas pa rin sila sa mga kliyente bagaman kailangang sumailalim ang mga kliyente sa check up sa mismong gate ng kampo bago sila mapagayang pumasok sa loob.