LEGAZPI CITY – Inirerekomenda ngayon ni Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Board Member Sandra Cam sa gobyerno na ilagay sa isolated island ang mga Persons Under Investigation (PUI) at iba pang pasyente sa coronavirus (COVID-19).
Kagaya aniya ito nang ginawang hakbang sa pagkontrol sa pagkalat ng leprosy o ‘ketong’ sa Palawan, ilang taon na ang nakakalipas.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Cam, naisip umano ang suhestiyon habang nasa quarantine kung saan bukod sa magandang tanawin, malapit rin aniya sa dagat at mare-relax ang mga pasyente na makakatulong sa mabilis na recovery.
Sa sulat para kay Pangulong Rodrigo Duterte na ipinadaan sa Facebook, maari aniyang gamitin ang matagal nang sarado subalit maganda pang Greek-inspired Bellaroca Island Resort sa Marinduque.
Sa bawat lalawigan, maaari rin aniyang maghanap ng secluded area ang mga local officials kaysa ilagay ang mga pasyente at magsiksikan sa ilang pagamutan kagaya ng kasalukuyang Metro Manila scenario.
Hiling naman nito ang pang-unawa ng mga residente sa naturang lugar habang emosyunal rin ang opisyal nang mahingan ng mensahe para sa mga Pilipino ukol sa kinakaharap na health crisis ng mundo.