CENTRAL MINDANAO – Tumakas umano pauwi ng Maguindanao ang isang PUJ driver nang mapag-alamang nagpositibo ito sa COVID-19 matapos isinagawa ang rapid testing sa Cotabato City Health Office.
Ayon kay City Health Officer Dr. Meyasser Patadon, sa 389 na sumailalim sa rapid test tanging ang 49-anyos na driver lamang ang nagpositibo rito.
Ang rapid test ay hindi 100% accurate kung ang naturang pasyente ay talagang nadapuan ng coronavirus o COVID-19.
Dagdag pa ni Patadon, nakuhanan na ng swab sample ang driver kung saan lalabas ang resulta nito matapos ang 24 to 48 oras.
Sa kasamaang palad, ani Patadon, nang ire-refer na sana sa health quarantine officer ang driver sa Brgy. RH-3, Cotabato City ay agad umano itong nag-panic at umuwi sa Datu Piang, Maguindanao.
Sa ngayon, nakikipag-ugnayan na si Dr. Patadon sa lokal na pamahalaan ng Datu Piang kaugnay sa naturang insidente.
Ngunit pinabulaanan naman ito ni Cotabato City Mayor Cynthia Guiani-Sayadi ang ipinalabas na pahayag ng City Health Office na tumakas ang PUJ driver na nagpositibo sa isinagawang COVID-19 rapid testing.
Sinabi ng alkalde mismong ang 49-anyos na driver ang nagdala sa kanyang sarili sa COVID-19 isolation center sa Integrated Provincial Health Office sa lalawigan ng Maguindanao.
Sa ngayon hinihintay pa ng city government ang magiging resulta ng swab test ng naturang driver.
Kinumpirma naman ni Mayor Sayadi ang isinasagawang rapid testing ng city government sa mga publicly-exposed individuals tulad ng mga vendors at kawani ng media.