-- Advertisements --

Ibinunyag ng pamunuan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na ang Pulilan Municipal Jail ang may pinakasiksikan na kulungan sa buong bansa, habang ang Manila City Jail ang may pinaka maraming naitalang preso.

Ayon kay BJMP Spokesperson Pol. C/Insp. Xavier Solda, batay sa kanilang datos ay nangunguna ang Manila City Jail na may pinakamaraming preso sa bansa na may 4,960 inmates.

Sinundan ito ng Cebu City Jail na may 4,579 na preso; Davao City Jail na may 3,000 bilanggo; Quezon City Jail na may 2,800 inmates; at Metro Manila District Jail sa Camp Bagong Diwa na may 2,700 na preso.

Dagdag pa ni Solda na ang Pulilan Municipal Jail sa Bulacan ang pinakasiksikang kulungan sa buong bansa kung saan sobra ng 3,000 ang bilang ng mga preso roon.

Sinundan ito ng Biñan City Jail at Sta. Rosa City Jail sa Laguna, Bacoor City Jail sa Cavite, at Muntinlupa City Jail.

Sa kabuuan, nasa 589% ang congestion rate sa mga kulungang ng BJMP.

Dagdag pa ni Solda na pinagkakasya ngayon ng BJMP ang 143,000 bilanggo sa 466 na kulungan sa bansa.