-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Nakatakdang isailalim sa operasyon ang isang pulis na aksidenteng naputukan ang kanyang “pagkalalaki” ng issued firearm nito habang namamalengke sa lungsod ng Koronadal.

Ito ang kinumpirma ni Police Lt. Col. Amor Somine, hepe ng Koronadal City PNP sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.

Kinilala ang pulis na si Patrolman Romgie Larroza Llorito, nasa legal na edad at naka-assign sa 1202nd Maneauver Company, RMFB 12 na nakabase sa Tacurong City, Sultan Kudarat.

Ayon kay Somine, namimili ng gulay ang pulis nang nahulog umano ang dalang baril na nakasukbit sa beywang nito kaya’t mabilis na sinalo at hindi inaasahang biglang pumutok kung saan tinamaan ang kanyang ari na tumagos pa sa bukong-bukong nito.

Agad naman na tinulungan ng mga nakakita sa pangyayari ang pulis at dinala sa South Cotabato Provincial Hospital.

Sa ngayon, ginagamot na ang nabanggit na pulis at nakatakdang isailalim sa operasyon.

Naniniwala naman si Somine na maaaring loaded ang baril at hindi naka-secure kaya’t pumutok nang mahulog.

Nagpaalala naman ang opisyal sa lahat ng mga pulis na maging maingat sa lahat ng pagkakataon lalo na kung may bitbit na baril upang makaiwas sa kapahamakan.