-- Advertisements --

NAGA CITY – Arestado ang isang pulis matapos mag puslit ng umano’y mga Unauthorized Persons Outside Residence (UPOR) sa Tayabas City, Quezon.

Kinilala ang suspect na si Patrolman Nerio Jojo Penaflorida Bravo Jr, ng District Mobile Force Battalion ng US Embassy sa Manila City.

Habang kinilala naman ang mga UPOR na sina Joseph Aviles Adan, Jayson Dialo Nanea, James Paulo Reyes Abcede, Raymund Oblea Lavado, Aillen Roxas Villafria, Maria Yandama Dialola at Arvie Dialola Lavado, lahat ay residente ng nasabing lugar.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office (QPPO), napag-alaman na mula sa Taytay, Rizal lulan ng isang black Mitsubishi X-Pander na walang plate number ng dumating si Bravo kasama ang pitong UPOR sa lugar.

Base sa imbestigasyon, napag-alaman na kinausap umano ng pulis ang nasabing mga UPOR sa pamamagitan ng FB messenger para sa pag pick-up nito mula Taytay, Rizal papuntang sa Tayabas City kapalit ng P2,500 kada isa.

Ayon dito, gamit ang kanyang uniporme at ang kanyang katungkulan bilang pulis, nalusutan ni Bravo ang mga Quarantine Control Points dahil na rin sa ipinapatupad na Enhanced Community Quarantine (ECQ).

Sa ngayon, nasa pangangalaga na ng Tayabas City Police Station ang nasabing pulis at nahaharap sa patong-patong na kaso.