-- Advertisements --

Arestado ang isang pulis matapos mangikil sa mga aplikanteng nais magpulis.

Inaresto ang suspek sa tapat pa mismo ng Camp Crame sa Quezon City.

Kinilala ni Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) director B/Gen Flynn Dongbo ang suspek na si Police Master Sgt Edmund Olavanio.

PNP extortion suspect

Nahuli ito sa entrapment operation sa Col. Boni Serrano Ave, Brgy. Bagong Lipunan, Quezon City kagabi matapos aktong tumanggap ng marked money sa complainant.

Base sa mga reklamong natanggap, ginagamit ni Olavanio ang kanyang pwesto sa Crime Laboratory Group para makapangikil.

Nanghihingi umano ito ng P6,000 para sa mga aplikante sa pagkapulis na gustong mapasama sa final list ng mga bagong pulis na manunumpa sa July 30, 2021.

Sa ngayon, nasa kustodiya ng IMEG ang pulis at mahaharap sa kasong kriminal at administratibo.

Sinabi naman ni Dongbo na inaalam na nila kung sino ang mga kasabwat ng suspek nang sa gayon ay masibak silang lahat sa PNP.