-- Advertisements --

NAGA CITY – Sa kulungan ang bagsak ng isang pulis matapos masangkot sa umano’y panggagahasa sa isang babae na bilanggo sa bayan ng Atimonan, Quezon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Maj. Alejandro Onquit, chief of police ng PNP-Atimonan, sinabi nitong nangyari ang panggagahasa ng hindi na pinangalanang pulis sa 49-anyos na biktima pasado alas-11:00 ng umaga noong Nobyembre 24 at nai-report lamang ito ng biktima kinaumagahan.

Ayon kay Onquit, base sa kanilang imbestigasyon, habang naliligo ang biktima nang biglang katukin ng suspek ang pintuan ng palikuran at doon na ginawa ang panggagahasa sa biktima.

Aniya, base sa resulta ng eksaminasyon sa biktima, nagpositibo ito sa panggagahasa.

Dahil dito, agad na inaresto ang naturang pulis at sa ngayon inihanda na ang kasong kriminal at administratibo na pwedeng kaharapin ng nasabing suspek.

Maliban dito, posible rin aniyang matanggal sa serbisyo bilang alagad ng batas ang naturang suspek.