-- Advertisements --

TACLOBAN CITY – Sugatan ang isang pulis at tatlong sibilyan mula sa isinagawang pananambang ng pinaniniwalaang mga rebelde sa bahagi ng Brgy. Tagbayaon, Jiabong, Samar bandang alas-8:00 kaninang umaga.

Kinilala ang pulis na biktima na si Patrolman Ace Denver Aharuddin, 24, habang ang sibilyan ay natukoy naman na sina Elma Geli, 58; Erickson Gacumo, 33, isang guro; at Realy Del Rio, 22, isa ring guro, at pawang mga residente ng Villareal, Samar.

Sa panayam ng Bombo Radyo Tacloban kay PCol. Bella Rentuaya, tagapagsalita ng Police Regional Office (PRO)-8, batay sa kanilang inisyal na report ay papunta sana ang patrol car ng Pinabacdao PNP sa Catbalogan, Samar nang biglang tambangan ang mga ito ng aabot sa lima hanggang 10 kasapi ng New People’s Army (NPA).

Nadamay naman sa naturang insidente ang van kung saan lulan ang mga sibilyan.

Kaagad namang nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga pulis laban sa mga suspek na kaagad na tumakas matapos ang insidente.