Nasawi ang isang Police Personnel ng San Jacinto Municipal Police Station kasama ng kaniyang anim na taong gulang na anak matapos tumilapon mula sa minamanehong tricycle nang masagasaan ng isang jeep sa bayan ng San Jacinto.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay PCPT. Noel Dumayas, ang duty officer ng San Jacinto Municipal Police Station, kinilala ang mga biktima na si PMSG. Isidro Quiros Prestoza Jr, 41-anyos na miyembro ng kanilang himpilan at nasa Supply Section habang ang kanyang anak ay si Inigo 6 taong gulang, naninirahan sa Brgy. Casibong sa nasabing bayan.
Habang ang drayber naman ng jeep na siyang nakasagasa ay kinilalang si Maximo Sandoval Narag, 53-anyos, balo, at naninirahan sa Brgy. Lobong, parehong bayan na hinihinalang nakainom sa mga oras na iyon.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, mabagal umano ang takbo ng tricycle na nauna sa jeepney na parehong pa-kanluran ang ruta.
Ang tricycle ay pauwi na sa Brgy. Casibong ngunit nang magtangkang mag-overtake ang jeep sa kabilang lane, hindi inaasahan na tinamaan ang likod ng tricycle na sanhi ng pagtilapon ng mag-am at pagkasagasa ng mga ito.
Sinubukan pang dalhin sa pagamutan ang dalawang biktima ngunit idineklara ang mga itong dead on arrival. Lumabas naman sa pagsusuri na nakainom ng alak ang drayber ng jeep.
Dahil dito, nahaharap ang suspek sa Reckless imprudence resulting on multiple homicide at damage to property kung saan kasalukuyan na itong nasa kustodiya ng kapulisan .