-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY -Ikinagulat ng Regional Drugs Enforcement Unit (RDEU) ng Police Regional Office 10 (PRO-10) na kasamahan pa nila ang kabilang na naaresto nang ikinasa ang anti-illegal drugs operations sa Barangay Poblacion,Tagoloan,Misamis Oriental.

Kinilala ni PRO-10 spokesperson Capt Francisco Sabud Jr ang naaresto na si Police Staff Sgt Oliver Bragat na aktibong naka-detail sa PDEA – Bukidnon at ang isang negosyante na si Kim Mandaraog na lahat residente nitong lungsod.

Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni Sabud na nakompiska mula pag-iingat ng mga suspek ang nasa 16 sachets ng suspected shabu o higit dalawang gramo at may street value na nasa halos P15,000.00.

Inihayag ni Sabud na kapwa umano nagulat si RDEU head Maj Allan Oniana,PDEA operatives at ibang special units ng PNP nang tumambad sa kanila si Bragat na kabilang sa ka-transaksyon.

Si Bragat ay naka-pokus sana sa anti-drugs operations sa Bukidnon subalit nagulantang ang raiding teams dahil kasa-kasama ito ni Kim na primary target na arestuhin.

Nakatakdang kakasuhan ang nakakulong na mga suspek nang paglabag ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sa provincial prosecutor’s office ng Misamis Oriental bukas.