-- Advertisements --

ZAMBOANGA CITY – Patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa isang pulis na binaril patay ng tatlong hindi pa kilalang mga suspek sa Sitio Quarry, Brgy. Mamawan, Baliguian, Zamboanga del Norte.

Kinilala ang biktima na si Police Master Sgt. Chito Lagahit Jr na nakabase sa Baliguian Municipal Police Station.

Sa panayam ng Star FM Dipolog kay Police Maj. Helen Galvez, Public Information Officer ng Police Regional Office Region 9 (PRO 9), sinabi nitong sakay ng isang bus ang biktima galing Dipolog patungong Baliguian, ngunit pagdating umano nito sa nasabing lugar ay doon na ito binaril ng tatlong armadong mga suspek.

Dagdag pa ni Galvez, planado umano ang naturang insidente at sumakay mula sa Gutalac ang tatlong suspek at umupo sa likurang bahagi ng sasakyan.

Binaril pa umano ng mga suspek ang windshield ng bus at sinabing wag mag-panic dahil iisa lang ang kanilang pakay bago ito umalis mula sa crime scene.