-- Advertisements --

Ipinag-utos ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief, Police MGen. Guillermo Eleazar ang pagsibak sa 15 kasapi ng Eastern Police District-Drug Enforcement Unit (EPD-DEU), kasama ang kanilang hepe.

Kasunod ito ng pagkakadakip ng isang pulis sa entrapment operation sa lungsod ng Pasig.

Nakatikim ng sampal at mura kay Eleazar ang nasabing pulis na kinilalang si P/Cpl.  Marlo Siblao Quibete na nakadestino sa nasabing unit.

Ayon kay Eleazar, tinanggap ni Quibete ang P20,000 sa operasyon na isinagawa ng NCRPO Regional Special Operations Unit sa Barangay Santolan.

Nag-ugat ang kaso sa reklamo ni Eva Kilala, live-in partner ng isang nagngangalang Aries Ochoada na nadakip sa buy bust operation sa lungsod ng Marikina.

Maliban sa nasa P60,000 halaga ng perang kinuha ng pulis, inangkin din nito ang gintong kwintas ni Kilala.

Sapilitan din umanong pinapipirmahan ang deed of sale ng motorsiklo na pag-aari ni Ochoada.

Hindi pa raw dito nakuntento ang pulis at humingi pa ng karagdagang pera, na naging mitsa upang magsumbong na si Kilala sa NCRPO.

Apela naman ni Eleazar sa publiko, huwag matakot na isumbong ang mga abusadong pulis.

Kasong robbery extortion naman ang kinakaharap ng pulis na si Quibete.