KORONADAL CITY – Tinanggalan ng PNP badge at nahaharap ngayon sa kasong kriminal at administratibo ang isang kasapi ng pulis matapos makunan ng video ang brutal na pambubogbog at panunutok ng service firearm nito sa kanyang karelasyon sa lungsod ng Kidapawan.
Kinilala ang pulis na si Corporal Louie Jay Lumancas na naka-assign sa Magpet Municipal Police Station.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Police Lt. Col. Peter Pinalgan, hepe ng Kidapawan PNP, mismong si Cotabato Police Provincial Director PCOL. Harold Ramos ang tumanggal ng badge ni Corporal Lumancas habang nakapiit sa custodial facility ng Kidapawan MPS.
Si Corporal Lumancas ay inaresto ng mga kasapi ng Kidapawan PNP matapos inireport at nakunan ng video na sinasaktan at binubogbog ang kinakasama nitong kinilala lamag kay Shiela matapos na dumalo sa isang birthday party sa Canapia Subdivision, Poblacion, Kidapawan City.
Dagdag pa ni Pinalgan, isinailalim na rin sa inquest proceedings si Lumancas dahil sa ginawa nito.
Malaki din umano ang posibilidad na madidismiss sa serbisyo ang pulis dahil sa matibay na ebedensiya laban sa kanya at hindi katanggap-tanggap na ginawa nito sa kanyang karelasyon.
Napag-alaman na 6 na taon pa lamang sa serbisyo si Lumancas at kasal din ito sa ibang babae.
Sa ngayon, ipinasiguro ng Kidapawan PNP na hindi bibigyan ng special treatment ang pulis at haharapin nito sa batas ang kanyang ginawa.