-- Advertisements --

ROXAS CITY – Nalagay ngayon sa kontrobersiya ang Panit-an Municipal Police Station sa lalawigan ng Capiz matapos inireklamo ng pananakal ang isang pulis.

Dumulog sa Bombo Radyo Roxas si Joe Mark Aguirre ng Barangay Poblacion, Panit-an para i-reklamo ang pagsakal sa kanya ng pulis na nakilala sa apelyidong Albaña.

Nangyari ang insedente matapos humingi ng responde sa mga pulis ang kuya ni Joe Mark na si Lucky Aguirre dahil pinagtripingan sila ng tatlong lalaki habang pauwi na.

Dalawang mga pulis ang nagresponde kabilang na ang inireklamong si Albaña, ngunit hindi nila naabutan ang mga suspek na mabilis tumakas.

Posible pumasok sa isip ni Albaña na niloloko lamang sila ng magkapatid kaya hindi napigilan na murahin nito si Lucky.

Dahil sa narinig na pagmura sa kanyang kuya ay sinita ni Joe Mark ang nasabing pulis na ikinagalit nito sabay pagsakal sa tagreklamo.

Dahil sa pangyayari ay desidido ang tagreklamo na ipaabot ang kanyang reklamo sa pamunuan ng Capiz Police Provincial Office, para maturuan ng leksyon ang naturang pulis.