-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Magkahalong galak at kasabikan ang nararamdaman ngayon ng isa sa 120 semifinalists ng Bombo Music Festival 2020.

Matapos na mabatid ang balita at pagkapasok sa unang batch ng semifinalists, personal pang nagtungo ang pulis na si PCpl. Jethro Mayor sa himpilan ng Bombo Radyo Legazpi, mula sa kaniyang duty.

Ayon kay Mayor, lubos na ipinagpapasalamat na makapasok sa nationwide search para sa orihinal na mga awitin.

Nabatid na musically-inclined ang buong pamilya ni Mayor mula sa mga magulang na choir members hanggang sa tatlo pang kapatid subalit siya lamang ang nahilig sa pagsusulat ng kanta.

Edad 14-anyos nang magsimulang sumulat ng awitin si Mayor kaya’t higit 100 na umano ang nalikha nitong mga obra.

Umaasa si Mayor na maipo-produce ang kaniyang ‘Greatest Hits’ sa isang album sa susunod na taon.

Napag-alamang pangalawang pagkakataon pa lamang ni Mayor na makasali sa music festival at mag-qualify sa semifinals habang umaasang makakarating sa finals ang awiting may pamagat na “Yelo”.