Arestado ang isang pulis at kasabwat nitong sangkot sa gun-running activities sa isinagawang buy bust operation ng mga tauhan ng Philippine National Police Counter Intelligence Task Force (PNP-CITF) sa may 3rd Avenue, Quezon City sa tapat lamang ng Gate 2 ng Camp Crame.
Nakilala ang suspek na pulis na si PO2 Jaid Awal Pingli, taga-Lamitan sa Basilan at nakadestino sa Station 5 ng Pasay City Police.
Habang ang kasabwat nitong sibilyan na may-ari ng pagawaan ay si Jose Delaire, taga-Fairview, Quezon City.
Ayon sa naarestong pulis, nagpasama lamang sa kanya ang isa pang sibilyan na nagnanais bumili ng baril subalit hindi aniya alam na wala itong permit.
Sa panayam kay S/Supt. Romeo Caramat, hepe ng CITF, matagal na nilang minamanmanan ang pulis na si Pingli na konektado sa bantog na Pingli Brothers ng Zamboanga Peninsula na sangkot sa kidnapping for ransom.
Sinabi ni Caramat, apat na beses nang nagbenta ng baril si Pingli sa asset ng CITF subalit pumalya ang lahat ng iyon kaya’t ipinahuli na.
Nakuha mula sa mga naaresto ang isang M14/M16 rifle nagkakahalaga ng P90,000 at isang 9mm pistol na service firearm ni Pingli.
Ibinunyag pa ni Caramat na dalawang pulitiko mula sa Kalinga ang naging parokyano ni Pingli at iniimbestigahan pa kung may parokyano pa ito na iba.
Sinabi pa ni Caramat na nakababahala ang mga ganitong uri ng aktibidad lalo’t posible itong gamitin ng mga private armed groups ngayong papalapit na ang eleksyon.